MILO
Tuesday, August 30th, 2005Note to readers: This blog will contain lots of Filipino sentences in it…don’t be shocked, i just thought of blogging in Filipino.(^_^)
Bakit nga ba mas masarap magtimpla ng Milo (o Ovaltine) si nanay? Bigla ko itong pinagnilayan, dahil nung isang linggo, bago ako lumuwas ng paaralan, itinanong ako ng aking ina kung gusto ko ba raw ng MILO. Naisip ko, total ‘di rin naman ako kakain ng agahan, mabuti nang may laman ang aking tiyan kahit Milo man lang. Kaya agad akong sumang-ayon. "Warm or Cold?" ika ng mahal kong ina. "Cold please" ang aking isinagot.
Nagmamadaling umalis, inilagok ko ng madalian ang Milo na itinimpla ng aking ina. Ngunit sa aking paglagok, aking nalasahan ang kakaibang tamis ng Milo. Wala pa pala sa kalahati ang nailagok ko. Naisipan kong dahan-dahanin ang pag-inom upang namnamin ang kakaibang tamis ng tinimplang Milo ni inay. Habang unti-unti at dahan-dahang bumababa sa aking lalamunan ang timpladong tsokolateng inumin, ako ay napaisip. "Bakit mas masarap ang timpla ni nanay ng Milo? Pareho lang naman kami ng nilalagay–Milo, gatas at tubig. Bakit kapag timpla ko, kahit ako na mismong nagtimpla, hindi ’sing sarap ng timpla ni nanay ng Milo."
Pagkarating ko sa paaralan, hinihintay na pala ako ng aking kaibigan sa loob ng silid-aralan. At tinanong ko siya "Sarah, bakit mas masarap ang Milo na timpla ng nanay ko kaysa sa sarili kong timpla?" Si Sarah naman "Hindi ko rin alam, pero tama ka, mas masarap nga ang timpla ng nanay ng Milo. Kapag ako o tatay ko ang nagtitimpla ng Milo, ang pangit ng lasa." Hindi ko naisip kung gaano ka-espesyal ang pagtimpla ni inay ng Milo, hanggang sa marinig ko ang sumusunod na pangungusap mula kay Sarah. "Naiinis ako kay nanay. Bakit kanina si Michelle," (si Michelle ay pinsan ni Sarah), "ipinagtimpla nya ng Milo, ako wala."
Saka ko lamang napagtanto…
Ang pagtimpla ni nanay ng Milo ay tunay na masarap, sapagkat maliban sa Milo, gatas at tubig, tagos sa lasa ang ikinatamis ng pagmamahal niya. Siguro nga parang ang baduy ng dating, pero totoo naman. At wala nang mas sasarap pa sa timpla ng Milo ni inay.